Mga Tula

PAGKAMULAT

Koleksiyon Ng Mga Tula

Advertisements
Photo by Brett Sayles on Pexels.com

“Wala Na Si Estrella”

Paano ko ba sisimulan ang isang kwentong ako ang tumapos
Batid kong hindi ko man lang ito nabigyan ng magandang kataposan
Sapagkat hindi ako manunulat at kakayahan ko ay kapos
Sapagkat wala akong pluma at binalot ng kadiliman
Ni hindi ko man lang magawang tumingin sa kanyang larawang kupas
Sa maamo niyang mukha nakita ko ang aming nakalipas
Binalikan ko ang mga lugar na madalas niyang puntahan noon
Kung saan mag-isa lang siya dahil nga wala akong panahon
Binaybay ko ang mga daang nilakaran niya tuwing umuulan
Kung saan mas gusto kong sumilong sa halip na maginawan
Umupo ako sa lilim ng malaking Mangga sa gitna ng nayon
Madalas siya rito ngunit ngayon, lagas na ang mga dahon
Sa kabila nito ay minahal niya akong lubos at pinakasalan
Kahit pa batid niyang hindi ko ito magagawang suklian


Ngunit ngayong wala na si Estrella, saka ko naramdaman ito
Kung kailan wala na si Estrella saka ako naririto
Kung kailan mainit na ang haring araw sa katanghaliang tapat
Saka ko hinahanap ang ginaw na dumampi sa ‘king balat
Kung kailan lagas na ang mga dahon saka naman ako sumilong
Ngayong ‘di na ‘ko rinig saka siya mamahalin ng pabulong
Anong saysay ng pagluha ko kung ‘di naman niya ito nakikita
Mahalin ko man siya di na niya ramdam ang aking pagkukusa
Nasa harap ako ng puntod niya’t marami ng damong tumutubo
‘Di ko man lang ito mabunot dahil ‘di ako makaupo
Paano nga, gayong heto at nakaposas ang aking mga kamay
Gayong ang taong minahal niya ang siya ring sa kanya’y pumatay


“Kinse”

“Kinse”

Isang blangkong papel ang minsa’y ‘sinilang sa mundo
Namulat sa katotohanang ‘ di lahat totoo
Hinubog ng paninindigang bigay ng magulang
Ginawang bangkang papel saka ito pinalutang

Sa halip na iwang bukas sa sulat ng Marunong
Pinaanod ito’ng ‘sabay sa bagsik ng daluyong
Sa halip na ilatag para sa isang May-akda
Pinaglayag ito na walang sagwan ng unawa

Bagaman lumutang at nakarating sa malayo
Ang araw niya’y bilang, anumang oras ay susuko
Lumutang man ito na parang ‘sang tunay na bangka
Ang papel ay papel, maglalaho rin ‘to sa sapa


Advertisements

“Hindi Ako Sa Rehas Nakulong”

“Hindi Ako Sa Rehas Nakulong”

Dalhin nawa ako ng sariling isipan sa laya
Mga panahong ang orasan ay aking dinadaya
At ibalik ako sa mga kumpas ng ama’t ina
Sa tawag nilang nagpapabilis ng hakbang ng paa

Bigyan nawa ng awa na saki’y hindi nararapat
Mula sa malamig na seldang alam kong hindi sapat
Sa sigaw ng paghingi ng tawad na naging pabulong
Maharangan man ng rehas ngunit isip ko’y di kulong

Alam ko, buhay na nawala’y di ko maibabalik
Igapos man ako’t lunorin sa ilalim ng putik
Iahon mo man ako mula sa kumunoy na ito
Ang bakas ng putik ay naging marka na sa balat ko

Hiling ko lang sana ay isang huling pagkakataon
‘Di ko man maibabalik ang nasayang na panahon
Hayaan mong ang buhay ko ay magkaroon ng saysay
Bago ko mabayaran ng buo ang krimen sa hukay

Hiling ko lang din sana ay isang huling pagtatiyaga
Hatiran mo man ako ng pagkaing para sa daga
Kakainin ko ito kahit pa alam kong patibong
Malaman mo lang na hindi ako sa rehas nakulong

Nakulong ako kung saan ang oras ang siyang madaya
Mula sa kumpas ng mga bantay ko sa ‘king sarili
Sa tawag ng hustisya mula sa buhay na nawala
Kung saan ang bawat patak ng luha ay walang silbi


“Labing Limang Pantig Ng Kahapon”

“Labing Limang Pantig ng Kahapon”

Sa bawat pakli ng mga pahina ng kahapon
Katumbas ay patak ng likidong di mapigilan
Gustohin ko mang sumulat ng panibagong ngayon
Kusang bumubuklat ang aking mga nakaraan
Natutuyuan na ako ng tinta at liwanag
Mula sa lumang gaserang nagsilbing aking ilaw
Mga pahinang namuno at sa aki’y nagbihag
Sumulat man ako ng panibago araw-araw
Kailanma’y wala akong maisusulat na bago
Malibang aking matanggap at mapagtatanto ko
Ang kahapo’y kahapon, at ‘di ito magbabago

Advertisements

“Pangalan Sa Abo”

“Pangalan Sa Abo”

Sa bawat hakbang ng mga paa sa buhanginan
Naiiwan ang mga marka sa aking likuran
Wala ako sa ibang lugar, di ako humayo
Nandito lang ako ngunit parang napakalayo
Wala na rin ang malawak at masayang bakuran
Kung saan dati ang mga bata’y nagtatakbohan
Wala na ang mga punong noo’y inaakyat ko
Maging mga alaala’y binalot na ng abo

Advertisements

Wala ng tahol ng mga asong naghahabolan
Mga huni ng ibong sa lawa nagliliparan
Wala na rin ang magandang tanawing natatanaw
Tahimik ang paligid kahit mataas ang araw
Lumapit ako’t nakitang bumagsak na ang bahay
Pero napako ang mga tingin sa isang bagay
Nakadikit sa dingding at binalot na ng abo
Larawan naming pamilya, nang punasan ko ito

Napangiti ako at tumulo ang aking luha
Marami mang bagay ang natabonan at nawala
Ang mahalaga pa rin ay buhay at magkasama
sa pagbuo ulit ng mga bagong alaala
Ito nga ang aking nalama’t aking napagtanto
Huli man, ngunit salamat na ri’t nasaksihan ko
Mga bagay sa mundo, magkano man ang halaga
Walang sinisino, sa isang iglap mabubura
Ang oras ay maiksi at walang kasegurohan
Ngunit, bawat segundo nito’y ginamit ko saan?
Ang mga marka ng paa’y nabubura sa abo
Sana nga’y ‘di roon naisulat ang pangalan ko

”Tahanan”

Ang tagal na buhat nang una kang nakita sa hawla
Mula ng mamulat sa kapaligiran ko ang ‘yong mata
hindi ko na rin napansin mga taon na lumipas
Mula nang huli kong marinig ang tunog ng ‘yong pagaspas
Gusto kong malaman mo na gusto kitang pakawalan
At ang pag-unat ng iyong pakpak, muli kong masilayan
Ikumpas ‘to salin ng hangin at lumipad palayo
Nang makita mo ang halaga nito at ‘yong isapuso

Ang mga ibon ay dumadapo sa parehong sanga
Pagsapit ng dapit-hapon ‘pag ang araw ay papalubog na
Piliin mo pa kayang bumalik sa bakal na hawla?
O baka, dadapo ka na sa napili mong bagong sanga?
Ganon man, iiwanan ko ‘tong bukas para sa iyo
Hiling ko lang sana, wag mong isiping kalayaan ito
Maghihintay ako, aasang paglipad mo palayo
Ang hawlang ‘to, ang ituturing mo pa ring ligtas na dako

Advertisements
Photo by Olanma Etigwe-uwa on Pexels.com

“Ang Batang Nakauniporme”

Maagang nagising, nagtimpla ng kape’t nag-agahan

lumang uniporme’y matamang pinagmasdan 

‘Pasokan na naman’ naibulong ko sa sarili 

Sinulyapan ang lumang kwaderno sa ‘king tabi 

Natirang bakanteng pahina ang aking susulatan 

Pandagdag na rin ng butil sa ‘ming bigasan 

Pilit na pinagkasya ang unipormeng maiksi 

Ang sapatos kong masakit na sa dulong daliri 

Dinig ko na’ng tawanan ng mga kaklase 

Kaharap ang kompyuter na bagong bili 

Bawal na raw akong sumilip sa’ming paaralan 

Kaya ako, nandito at nakatanaw na naman 

Pinalipas ang ingay ng dumaang tren 

Marami ng nagbago, maliban sa akin 

Heto’t laging tanong sa bawat simula ng klase 

“Kailan kaya magagamit suot na uniporme?”