Ni: Jabin Marquez

Alas kuwatro na ng umaga, alam iyon ni Ramon sapagkat dumaan na naman ang tren. Kung sa iilan ay isa lamang itong ingay na sumisira sa tulog nila, para kay Ramon hudyat iyon ng isa na namang araw ng pakikipagsapalaran sa buhay. Isa si Ramon sa mga kabataang nasa murang edad na nakikipagkarera sa pamumulot ng basura.
Ilang minuto na lang ay dadaan na ang trak ng basura kaya inihanda na nya ang kanyang mga gamit. Kapirasong bakal na nakabaliko ang dulo at ilang piraso ng sako at handa na siya. Isinuot din niya ang itinuturing niyang uniporme — isang pares ng bota at gwantes, tagpi-tagping damit at pantalon at isang maruming sumbrero. Bago tuluyang lumisan ay hinawi niya ang kurtina ng kanilang barongbarong.
Nakahiga sa tagpi-tagping mga kahoy at yero ang ina niyang matagal ng maysakit. Nakahiga ito tutop ang dibdib habang patuloy sa pag-ubo. Hindi maaaninag sa mga mata ni Ramon ang awa sa tuwing makikita ang ina sa gayong kalagayan. Paano nga ba niya kaaawaan ang taong itinuturing niyang anay na sumira sa tahanan nila.
Halos isang taon pa lang ang nakalipas mula ng mamatay ang ama niya at ang masakit, nasundan ito ng namatay pa ang kapatid niya, dalawang buwan lang ang lumipas. Namatay ito dahil sa matinding lagnat na hindi na naagapan pa dahil sa kapabayaan ng ina.
Laman ng mga pasugalan ang ina niyang si Lita at ni minsan ay hindi niya nadamang naging ina ito sa kanila. Ang ama niya ang mag-isang bumubuhay sa kanila sa pamamagitan ng kakarampot na kinikita nito sa construction. Halos hindi na nagpapahinga si Mang Bert sa pagtatrabaho araw at gabi habang ang asawa’y abot tainga ang ngiti sa bingohan. Hanggang sa isang araw nga’y sumuko na ang katawan ni Mang Bert at namatay ito dahil sa pneumonia.
Gumuho ang mundo ni Ramon, hindi nya akalaing sa edad na labing-pito ay maaga syang mawawalan ng ama. Halos isumpa niya ang kaniyang ina ng mga panahong iyon ngunit wala syang nagawa kundi ang hayaang ang ina ang maghanapbuhay para sa kanila. Wala pala siyang aasahan sapagkat, halos wala syang nakitang pagbabago sa ina. Sa halip, para pa itong nakawala sa kulungan. Gabi na kung umuwi at hindi man lang nag-aabot ng pambili ng bigas at ulam. Inubos ni Lita ang mga naipon ng asawa sa sugal kaya napilitan si Ramon na tumigil muna sa pag-aaral at mangalakal ng basura.
https://pagead2.googlesyndication.com/pagead/js/adsbygoogle.js
(adsbygoogle = window.adsbygoogle || []).push({});
“Aalis na ako, mamayang tanghali pa siguro ang uwi ko.” hindi nakatingin niyang paalam. Tuluyan na sana siyang lalabas nang tawagin sya ng kaniyang ina.
“Anak!” tawag nito na pagkatapos ay dahan-dahang umupo at hinaplos ang dibdib nito para pigilan ang pag-ubo. Huminto si Ramon pero hindi man lang humarap.
“Hindi mo ba talaga ako kailanman mapapatawad?” may tuldok na luha nitong tanong. Hindi na mabilang ni Ramon kung ilang beses na niya itong narinig mula sa ina. Hindi siya kumibo at tuluyan niyang nilisan ang barongbarong nila.
Sumikat na ang araw at aninag na niya ang mga nagsisidatingang mga trak ng basura sa hindi kalayuan at ang mga taong hindi magkamayaw sa tuwing ibubuhos ng trak ang mga basurang lulan nito. Kailangan na niyang magmadali bago pa siya maubusan ng makakalakal.
Tanghali na ng dumating si Ramon at dala nito ang dalawang lata ng sardinas at isang kilo ng bigas. Ito lamang ang inabot ng kaniyang kinita sa araw na iyon. Naghahanda siya para magsaing ng may narinig siyang kalansing ng mga nahulog na barya sa lapag. Nagmula ito sa tinutulogan ng kaniyang ina. Hinawi niya ang kurtina na nagsisilbing dingding at nakita niya ang ina na nakaupo sa sahig. Hawak nito ng mahigpit ang lata ng kondensada na may lamang mga barya. Gumulong ang isa sa mga barya sa paanan ni Ramon. Napayuko siya para dampotin ito.

“Anong ibig sabihin nito?” agad niyang tanong patukoy sa hawak na barya.
“Anak…” nanghihinang bigkas ng kanyang ina.
“Sagotin mo ako, saan to galing?” pasigaw na tanong ni Ramon.
“Ipon ito… ng ama mo para sana sa… pag-aaral ninyong magkapatid.” pautal-utal na bigkas nito habang tumutulo ang luha. Natigilan si Ramon at piniga ng mahigpit ang barya sa kanyang palad.
“At anong balak mong gawin sa ipon ng aking ama, bakit mo binuksan yan?” pigil ang galit niyang bigkas sa marahang tono.
“Naisip ko…na ibigay ito sa’yo. Dahil kung hindi mo rin lang… ako mapapatawad, mas mabuti pang… iwan mo na lang ako…” iyak nito at ilang beses na umubo.
Hindi na napigilan ni Ramon ang galit niya.
“At may balak ka pang palayasin ako sa bahay ng sarili kung ama…kung meron mang dapat umalis dito…hindi ako yun,..ikaw…napaka-inutil mo.” puno ng hinanakit ang puso nitong tugon.
Sa gigil niya ay nilapitan niya ang ina at hinawakan ang kamay nito at pilit na inilalagay sa palad nito ang baryang pinulot niya.
“Sa’yo na! Lumayas ka, kulang pa yan sa bisyo mo, magsugal ka hanggang sa mamatay ka!” galit na galit nitong bigkas.
Bilang tugon ay hinawakan ng mahigpit ni Aling Lita ang braso at kamay ng anak anupa’t muling nahulog ang alkansya. Napaluhod si Ramon at hindi na nakagalaw sa kapit ng ina. Nagsusumamo ito ng kapatawaran sa huling pagkakataon.
“Anak…patawad..” bulong nito.
Nabasa ng luha ang braso ni Ramon at sa puntong iyon ay walang lumabas na isa mang salita sa kaniyang bibig. Natigilan siya habang tinititigan ang mukha ng kaniyang ina. Ang babaeng nagluwal sa kaniya upang makita niya ang kagandahan ng mundong ibabaw. Bumagsak ang ina sa kaniyang braso at nawalan ng malay. Tinapik niya ito sa balikat, saka ito niyugyog ng marahan upang gisingin.
https://pagead2.googlesyndication.com/pagead/js/adsbygoogle.js
(adsbygoogle = window.adsbygoogle || []).push({});
Sa hindi malamang dahilan ay ito siya ngayon, karga ang ina na hindi iniinda ang bigat nito. Patakbo siyang naghanap ng trisikel na masasakyan papuntang ospital. May isang pumayag na ihatid siya pero hindi na ito umabot ng buhay.
Umupo si Ramon sa entrance ng ospital habang malayo ang tingin. Hindi niya napansing tumulo na ang kaniyang mga luha. Hindi nya alam kung para saan ang luhang iyon. Dahil ba namatay na ang babaeng itinuturing niyang tinik sa lalamonan o dahil sa nawalan na naman siya ng isa na namang mahal sa buhay?
Marami siyang nais isumbat sa ina kung buhay pa ito, marami siyang naisip na masasakit na salita na naipon at marami siyang hinanakit sa kaniyang puso. Pero ngayon, habang pinupunasan niya ang kanyang mga luha, bigla na lamang siyang napaisip. Kailan ba siya naging anak para sa kaniyang ina? Wala siyang naaalala, sapagkat nang sandaling ilagay niya ang barya sa palad ng ina ilang oras lang ang nakalipas, iyon ang kauna-unahang sandali na hinawakan niya ang palad ng babaeng nagsilang sa kaniya.
Categories:Short Story
You must be logged in to post a comment.