Short Story

Courie

Photo by Zen Chung on Pexels.com

Pang-ilan ba ako? Tanong ko sa isip habang nakatingin sa listahan ng mga pangalan sa isang short bond paper. Ang bilis ng tibok ng puso ko, hindi ko na maalala kung kailan ako huling kinabahan ng ganito. Umilaw at nagvibrate ang cellphone ko sa desk. Si Mama, nagtext ng pampalakas loob. 

“Ikaw na next, kaya mo yan. Wag kang umiyak ha.” aniya sa text. 

Si Mama talaga. Dinelete ko ang text niya sa screen ng phone ko. Napatitig ako sa lock screen wallpaper ko. Ang aso kong makulit – Si Courie. Kinuha ko sa word na courier ang pangalan niya. Pano, laging akong dinadalhan ng kung ano-ano sa kama ko. 

Okay lang sana kung puro mga gamit ko lang o kaya mga laruan niya. Kaso minsan maiinis ka na lang sa makikita mo paggising mo sa may paanan. Kung hindi patay na daga, patay na mga butiki at kung ano-anong insekto. Pero hindi pa naman siya sumuka sa higaan ko.

Ang kulit talaga, nakakagigil. Binuksan ko ang phone ko at inisa-isa ko ang mga pictures ko sa gallery na halos napuno na ng pagmumukha niya. Hinahanap ko yong isang picture na kinunan ko sa boarding house ko nong nag-aaral pa ko ng college. Siguro mga three years na rin ang nakalipas.

Oo nga pala, nasave ko yon sa favourites ko. Hindi ko na rin mabilang kung ilang beses ko na tong natingnan. Pero napapangiti pa rin ako kapag nakikita ko to.

Bigay si Courie ni Mama, at one year old pa lang siya nang dalhin ko siya sa boarding house ko. Kailangan ko kasing lumayo dahil sa parang hindi ko minsan maintindihan kung bakit parang sinasakal nila ako sa mga rules nila na sa tingin ko wala na sa lugar.

So dala-dala ko siya sa boarding house, at pinagpaalam ko siya sa landlady dahil nga alam ko na namang bawal talaga ang aso sa ganon ka occupied na compound. 

So to cut the long story short, lumalabas na naglayas ako, nagpakalayo. Although parang hindi naman dahil alam naman ng mga magulang ko kung nasaan ako. At sila pa rin ang nagbabayad ng rent at fees ko sa school. Pero yun nga, dumating sa point na ayoko na sa bahay. 

Jehovah’s Witnesses ang both parents ko, pati dalawang kuya at yong nag-iisang babae na bunso. Ako lang yong parang walang gana sa “boring” na religion nila.

Lumipas ang isang taon ko sa college, minsan na lang ako kung dumalo. Hanggang sa dumating yong mga linggo na kahit anong gawin na pakiusap ng parents ko sa akin, sabi ko sarili ko ayoko na. Gagawin ko kung anong sa tingin ko na magpapasaya sa akin.

Grabe iyak ni Mama non, pinuntahan din ako ng dalawang kuya ko. Pero hindi sila nagalit sa akin, dinalhan pa nila ako ng paborito kong french fries at nanood kami ng pelikula sa laptop nila. Tapos bago umalis, inakbayan ako ng kuya kong pinakapanganay.

“Pano, alis na kami. Tawag ka lang kung kailangan mo ulit ng kasamang kumain ng french fries.” bilin niya habang nakangiti.

Tumango lang ako, pero sa totoo lang napaisip ako. Pano kaya nila natitiis manatili sa bahay? Si Papa naman, hindi ako masyadong pinapansin, busy sa trabaho niya sa factory.

Nakailang bisita pa sa akin mga kapatid ko, pero wala man lang ni isa sa kanila ang pumilit sa akin na umuwi na.

Hanggang sa ayon na nga, para akong asong nakawala sa kulungan. Kung anong gawain ng barkada ko, sunod din ako. Nagsasaya na parang wala ng bukas.

Pero isang umaga, paggising ko, habang masakit pa ulo ko sa hangover na epekto ng ininom namin nong gabi na yon, napaupo ako sa gilid ng double deck na higaan habang nakikipagtitigan sa aso kong nakaupo din sa sahig.

“Good morning Courie, ano naman yang dala mo?” tanong ko sa kaniya habang pinupunasan ko ang mata ko.

Hindi siya gumalaw kaya binuka ko ng husto ang mata ko at tinuon ang tingin ko sa kagat-kagat niya. Ang akala kong daga, medyas pala.

“Akin na.” sabi ko sabay yuko at abot ng palad ko. Lumapit siya sakin at inilagay sa palad ko yong dala niya. Pagtingin ko sa medyas, napaisip ako bigla na parang ang tagal ko ng hindi nasusuot ang medyas na yon. Amoy fabric conditioner pa. Bigay pa yon ng Lola ko sa side ni Mama bago mag Regional Convention. Napatingin ako kay Courie.

“Saan mo nakuha to?” 

Gumalaw ang tainga at ulo niya para ipaalam sa akin na nakikinig siya.

“Courie, saan mo nakuha to?” tanong ko ulit. Tumalikod siya at lumapit sa aparador na may dalawang pinto. Nakabukas ang isa at ipinasok ni Courie ang kalahati ng katawan niya sa pinakailalim na lagayan ng damit ng aparador. Paglabas, dala niya yong kapares ng medyas at iniwanan niya sa harap ko. Bumalik siya sa aparador at pagbalik, may dala siyang isang formal shoes, pagkatapos bumalik siya ulit at dala naman niya yong kapares ng sapatos.

Lasing pa siguro ako, pero wala kasi talaga akong maalala kung paano nakarating sa boarding house ko yong mga gamit ko sa bahay. Pagbalik ni Courie galing sa loob ng aparador, may kagat-kagat na siyang mahabang bagay. 

Kinuha ko yong tumbler ko sa gilid ng higaan saka uminom ng tubig. Sakaling mahimasmasan ako sa pag-inom ko ng tubig.

Pagtingin ko kay Courie, nakaupo pa rin siya sa harap ko habang kagat-kagat yong bagay na mahaba na yon na color maroon. Lumuhod ako sa harapan niya para kunin sa bibig niya ang bagay na yon. Necktie.

Don ko na naisip kung paanong nakarating sa boarding house ko ang mga gamit na iniwanan ko naman sa bahay. Ang necktie kasi na yon ay bigay ni Mama nong una akong nagkabahagi sa Bible Reading.

Hinimas ko ang ulo ni Courie at nakayukong lumapit sa aparador. Binuksan ko ang aparador at nakita ko sa pinakailalim na lagayan ang dalawang long sleeve na kulay puti at blue at may kasama pang dark brown na pantalon.

Si Mama talaga. Naisip ko.

Isasara ko na sana ang parador nang makita ko ang isang maliit na note na nakadikit sa kwelyo ng puting long sleeve. Kinuha ko ang note at binasa ang nakasulat.

Hi Anak,

Kumusta ka na, pumunta ako dito kagabi kasi gusto kitang makausap, pero wala ka raw sabi ng boardmates mo. Kaya iniwan ko tong mga pangdalo mo ng pulong. Alam ko paborito mo yong necktie na maroon kaya yon ang dinala ko. Malapit na Memorial, sana makasama ka namin.

Love,

Mama

Nakatingin lang sa akin si Courie habang nakasandal ako sa aparador at nagpupunas ng luha ko. Pinalapit ko siya at niyakap ng mahigpit.

Kaya ito ako ngayon, tatayo sa pagtawag nila sa pangalan ko. Para magbigay ng “short speech” sa pagtatapos ng klase namin sa PSS. Pinipigilan ko ang luha ko, pero nang mapatingin ako sa bintana ng Kingdom Hall at nakita ko si Mama at Papa at mga kapatid ko, tuloyan na akong nilamon ng emosyon.

“Kanina pa po ko nagpipigil, pero parang required po talaga siguro na umiyak dito ano po. Una po sa lahat gusto kong magpasalamat kay Jehova sa pag-akay sakin mula’t simula hanggang sa pagtung-tong ko sa stage na to. At sa mga magulang ko at mga kapatid ko na nandito din ngayon para panoorin akong umiyak. Saka special mention yong aso kong si Courie na ginamit ni Jehova para ipaalala sa akin kung saan ba ako nararapat.”

Pinunasan ko ang luha ko at pinagpatuloy ang speech ko.

Marami pa akong gustong ishare sa mga classmates ko tungkol kay Courie pero alam ko na kulang na sa oras kaya tinapos ko na ang speech ko sa pagpapasalamat sa dalawang instructors na tumulong sa amin sa loob ng isang linggo.

Sayang nga lang, hindi na ko nagkaroon pa ng pagkakataon na dalhin si Courie sa graduation. Pero ganon pa man, alam ko namang marami pang tulad niya ang darating sa buhay ko. Kaya hindi ako nag-goodbye sa kaniya, thank you lang ang nasambit ko nang tabonan ko siya ng lupa. Dalawang linggo lang ang nakalipas.

Thank you Courie!!!

Categories:Short Story