HASAREN

Hindi Ako Sa Rehas Nakulong

hindi-ako-sa-rehas-nakulong
(HASAREN)

Prologue

Kanina pa sinisilip ni Bernard ang bintana ng kanilang bahay. Tumingin siya sa wall clock na nasa taas ng aquarium niya ng goldfish. Paikot-ikot lang ang isda at paminsan-minsan ay pumapataas para kainin ang mga floaters.

Malapit na mag-alas diyes ng umaga pero wala pa rin ang inaasahan niyang bisita. Nagkasalubong ang kilay niya at napangiwi . Bagay na napansin ng ina niyang si Maam Melanie.

“Nardo, kunin mo na yong walis at bunotin mo na yong mga damo.” utos ng ina. Napakamot siya sa ulo niya pero walang magawang kinuha ang walis tingting na nakasandal sa likod ng pinto. Napatigil siya sa paglalakad sa bakuran nila nang makitang marami ng tuyong dahon na nakakalat at damong tumutubo.

“Kung nandito lang sana si Manong Osing….” naibulong niya sa sarili saka sinimulan ang pagwawalis. Nang bigla niyang marinig ang boses ng ina.

“Oh, di ba sabi ko sa dulo mo simulan, bakit nandiyan ka sa gitna.” sita ng nanay niya.

“Si Mama talaga.” napailing niyang usal.

“Pagkatapos mo diyan, puntahan mo nga sa New Compound si Mang Osing, at tingin ko ay may sakit na naman ang matanda. Dalhan mong gamot at saging.” patuloy pa ni Maam Melanie.

“Opo Ma. Anong oras ba uwi ni Ate?” sagot niya.

“Wag mo ng hintayin ang ate mo at baka gabihin na naman yon sa Ospital.”

“Ok Ma, puntahan ko mamaya.” tango niya. Pagkatapos magwalis ay isinako ni Bernard ang mga tuyong dahon. Saka siya nagbunot ng damo na maliliit. Pinawisan siya ng husto nang matapos niya ang gawain niya ng umagang iyon. Binuksan niya ang medicine cabinet nila at saka kumuha ng dalawang banig ng paracetamol mula sa isang box. Saka binuksan ang ref para kumuha ng tatlong piraso ng saging. Nilagay niya ang gamot at saging sa plastik saka sinabit sa bike niya.

Paglabas niya sa sementadong kalsada ay natakpan siya ng matataas na pader ng Maximum Security Compound mula sa sikat ng araw. Dinaanan niya ang luma at nakasarang Lethal Injection building ng Bilibid. Saka pinahinga ang paa sa pagpadyak sa paglusong niya. Nadaanan niya ang Philippine-Japanese halfway house at juvenile prison sa kaliwa niya. Sa kanan naman ay ang maya’t-mayang pagpasok ng mga sasakyan sa Minimum Security Compound. Hanggang sa lumiko siya pakanan para magbike pababa ng New Compound.

Advertisements

Walang nakakaalam kung bakit tinawag itong New Compound pero madalas na ito ang nagiging pansamantalang tirahan ng mga bagong laya mula sa MinSeCom. Narating ni Bernard ang maliit na kubo na may dingding na yero at marupok na mga plywood. Malayo pa lang ay sinalubong na siya ng gusgusing aso na may sakit sa balat. Sinabayan siya ng aso sa paglalakad habang walang tigil ang pagkawag ng buntot nitong nakalbo na.

“Manong Osing, si Bernard po ito.” tawag pansin niya.

Pero wala man lang sumasagot mula sa loob. Kaya napilitan siyang hilahin ang pinto nito na kawayan. Buti na lang at hindi ito nailock ng matanda.

“Manong, anong…” masigla niyang tawag pansin nang makita niya itong tumayo mula sa pagkakahiga. Diretso lang ang tingin nito, ni hindi lumingon sa kaniya. Kaya natigilan din agad si Bernard.

“Talagang di mo ako natiis ah.” nakangiting bigkas ng matanda.

“Ano pong nangyari sa inyo?” usisa niya agad.

“Wala, palagay na lang diyan, mamaya ko na yan kakainin.” tanging sagot nito.

Napansin agad ni Bernard ang nagkalat na laman ng sardinas sa higaan, pati na ang dalawang latang pilit sinusungkit ng dila ng aso. Lumapit pa ng dalawang hakbang si Bernard at sinubokan niyang ikaway ang palad niya sa harap ng mata ng matanda. Hindi man lang ito kumurap. Saka niya ito akmang dinuro, pero hindi pa rin ito kumurap o umiwas man lang ng tingin. Pinagmasdan ni Bernard ang titig ni Osing. Mga titig na tumatagos sa yero nitong dingding. Ang mga mata nito na parang mga diyamanteng maingat na ipinwesto sa kulobot ng balat sa mukha. Mapuputi na ang kilay, pero nanatili pa rin ang kapal. Kasing pino ng mga bulaklak ng tubo sa paligid ng tinuturing nitong tahanan.

Advertisements
Advertisements

Kabanata 1

        Taon na mula ng makilala ng pamilya ni Bernard ang matandang paika-ika na naglalakad hila ang walis tingting na nakakabit sa isang mahabang patpat na kawayan. Napansin ni Ma’am Melanie ang paghinto nito sa paglalakad sa tapat ng kanilang gate. Binigyan niya ito ng maiinom at saka pinakain ng tinapay sa pag-aalala na baka nahihilo ito sa sobrang init.

    Nakaugalian na ng matanda na magwalis sa kanilang tapat. Ni hindi nito alintana ang mainit na araw sa tanghali. Sa awa ng guro, inaabotan na lang niya ito ng maliit na halaga para may pangkain ito. Kaya walang umagang hindi makikita ang matanda na naka-upo para magbunot ng damo o kaya ay nagwawalis ng kanilang kalsada.

    Walang nakakaalam kung sino siya o kung saang probinsiya siya galing pero itinuring na nila siyang bahagi ng kanilang pamilya. Maging sa paglaya nito ay sila ang unang nitong pinuntahan para ibalita sa kanila ang kaniyang paglaya. Nagpacake pa nga ang panganay na anak ni Ma’am Melanie para sa kaniya.

Kumain ito kasama sila, pero hindi sapat ang tamis ng cake para pangitiin siya. Nanatili itong tahimik, patikim-tikim lang sa mga pagkain inilagay nila sa plato nito. Nagkaroon ng mahabang katahimikan sa harap ng hapag-kainan.

“Anong pangalan mo Lo?” pambasag sa katahimikang tanong ng panganay na anak habang kumakain sila ng pancit na pasalubong niya kasama ng cake. Kapansin-pansin ang pagsilip ng ngiti sa labi nito. Ngiting ngayon lang nila nasulyapan.

“Tawag nila sa akin… ng mga kosa ko, Oswald. Pero Osing na lang.” aniya at binaba sa mesa ang plato niya. Nagkatinginan silang pamilya, pinapakiramdaman ng bawat isa kung sino ang susunod na magsasalita.

“Saan probinsiya niyo Tay?” usisa ni Melanie.

Tumingin lang ito sa pagkain niya. Hindi sumagot, hindi kumibo, ni hindi man lang kumurap.

   Mula ng araw na yon hindi na nila ito tinanong pa ng mga personal na bagay tungkol sa buhay niya. Basta ba’t lagi itong pupunta sa tapat nila para magwalis, ay ayos na sa kanila. Tama na muna na nalaman nila ang pangalan niya.

Advertisements

     Naging laman din si Osing ng waiting shed sa tapat ng makasaysayang gate ng Maximum Security Compound. Palagi itong tumatambay doon tuwing alas kwatro ng hapon na para bang may hinihintay na dumating. Patingin-tingin sa mga mukha ng mga dumarating at mga umaalis.

Hanggang sa mapansin ito ni Bernard doon. Nagmamasid ito sa mga dumaraan habang kumakagat ng banana cue. Kaya nilapitan niya.

“Manong ikaw pala yan, anong ginagawa niyo po dito?” usisa ng binata.

Medyo nagulat ito sa tawag pansin niya pero agad din namang umusod.

“Masama bang dalawin ko ang dati kong tahanan.” anito.

Nagulohan si Bernard. Napakunot noo ito at tinabihan sa pag-upo ang matanda.

Saka lang niya naintindihan nang tinuro na ng matanda ang malaking gusali sa kaniyang likod. Kaya napalingon siya.

“Ahhh.”

Napangisi si Osing saka muling kumagat sa banana cue.

“Maganda siya.” salita ni Osing habang may laman pa ang bibig.

“Ang alin po?” tanong ng binata.

Tumitig ito kay Bernard at saka ngumiti. Hindi alam ni Bernard kung maiinis ba siya sa ngiti nito na kita pati ang nangingitim nitong gilagid o dahil sa pagpapakaba nito sa kaniya.

“Ang alin po ba?” tanong niya ulit.

Mas lalo lang humagikhik si Osing.

   Napaisip si Bernard.

“Wag niyo pong sabihin na may gusto kayo sa ate ko.” sagot ni Bernard.

Lalo lang lumakas ang hagikhik ng matanda.

“Ganiyan ba talaga kayong mga kabataan ngayon?”

Marahang napakamot ng ulo si Bernard. Nang sumagi sa isip niya ang mga pangyayari noong nakaraang mga araw na napadaan siya sa lugar na iyon.

Advertisements

Natawa na lang siya.

“Ba’t hindi mo siya kasama ngayon?” tanong ng matanda.

“Sinundo po ng mga magulang niya kanina kaya hindi ko po siya nasamahan pauwi.”

“Alam ba to ni Maam Melanie?”

“Oo naman po.”

“Talaga, so hindi siya magugulat pag binanggit ko yong nakita ko?”

Napapikit si Bernard.

“Ano po ba nakita niyo?”

“Kung anong ginagawa niyo.” pilyong sagot ni Osing.

“Manong kung mahal niyo pa po buhay niyo umayos po kayo.”

Tinapik siya ng dalawang beses sa balikat ng matanda.

“Madali naman akong kausap, pahinging pambili ng panulak at nabilaokan ako dahil sayo.” hirit nito.

“Yun lang pala eh.” agad tayong sagot ni Bernard at binilhan ang matanda ng buko juice.

    Kinabukasan ng araw na iyon ay hindi inalis ni Bernard ang mata niya sa matandang nagwawalis sa tapat nila. Inaabangan niya ng ilang araw kung totohanin nito ang sinabi niya. Pero mukhang marunong naman tumupad sa usapan ang matanda.

“Buko juice lang pala katapat mo eh…” sa isip-isip niya.

     Dumaan ang isang linggo, walang anumang narinig na salita si Bernard mula sa matanda, maliban sa pagpapasalamat nito tuwing inaabotan ng ina ng kaonting halaga.

“Ate, nakakausap mo ba si Manong Osing?” natanong ni Bernard sa ate niya habang nakatingin siya sa nagbubunot ng damo sa kanilang bakuran.

“Hindi, saka mukhang iwas naman kasi makipag-usap ang matanda. Bakit?” sagot ng ate niya habang nag-aayos ng sarili sa salamin.

“Wala, naisip ko lang kung bakit parang walang naghahanap sa kaniya.”

“Alam mo Bern, yang mga ganiyan, karamihan diyan wala na namang uuwian pa.”

“Panong wala ng uuwian? Wala ba siyang kamag-anak, kapatid, mga pamangkin, o baka nga mga apo?”

    Inayos ni Shai ang pagkakatali ng kaniyang buhok at hinarap ang kapatid saka sinulyapan saglit ang matanda sa labas ng bintana.

Advertisements

“Hindi na siya pwedeng umuwi.” anang ate niya.

“Eh bakit nga?”

Napangiti si Shai.

“Nasa laya na siya, hindi na siya pwedeng bumalik sa loob.”

“Ha?” nagugulohang tanong ni Bernard.

“Hatdog.” sabay tawa ng ate niya.

“Eto, nagtatanong ng maayos eh.”

“Diyan ka na, malelate na ako. Yong bahay wag mong iwanan ha.” bilin ni Shai. Napakamot ng ulo si Bernard. Hindi niya talaga makuha ang ibig sabihin ng ate niya. Dumungaw si Bernard sa bintana nilang jalousie. Napatitig siya ulit sa matanda. Nahuli siya ni Osing na nakatingin kaya bigla siyang napatalikod.

  Nasanay na si Bernard na nakakakilala ng mga bagong laya mula sa Bilibid, pero hindi pa rin niya maintindihan kung bakit karamihan sa kanila ay piniling wag ng umuwi dahil walang mauuwian.

Pages: 1 2 3 4

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s