HASAREN

Kabanata 2

    Isang hapon, nadaanan na naman ni Bernard ang matanda sa waiting shed. Nakasandal ito sa tubo na haligi at sinakop ng kaniyang paa ang upoan. Ibinaba ni Osing ang paa nang makita siyang paparating.

“Alam mo nong, napapansin ko po ah, lagi na lang po kayong tumatambay dito. Kaya ka po ba tumatambay dito dahil sa mga yan?” tabi sa kaniya ni Bernard sabay nguso sa mga dumaraang dalaga na nagjajogging.

“Anong namang mapapala ko sa mga yan?”

“Ashoo, kunwari pa po kayo.”

“Hindi mo dapat pinagpapantasyahan ang mga babae, ano na lang mararamdaman nong girlpren mo pag nalaman niya na ganiyan ka.” Saway sa kaniya ni Osing.

“Joke lang po. Kayo naman di mabiro.”

   Natahimik si Osing.

“Ah manong, may itatanong ako sa’yo, wag ka sanang magagalit ha.”

“Depende sa itatanong mo.”

Napakamot sa ulo niya si Bernard.

“Nagkajowa po ba kayo dati? Nong bata pa po kayo.” usisa ng binata.

Lumingon at napatingin sa mukha niya ang matanda. Saka ito ngumiti.

“Oi, kinilig. Magkwento naman po kayo.” pilyong panunukso ni Bernard.

“Hindi mo naitatanong, matinik ako sa babae nong araw. Pero akin na lang yun, hindi na para ikwento ko pa sa’yo.”

“Sige na….atin-atin lang.”

Advertisements

      Natigilan saglit si Osing. Biglang bumalik sa kaniyang alaala ang mga kahapon na parang lumang pelikulang walang kulay. Bumalik sa kaniyang isip ang araw na nakita niya kauna-unahang pagkakataon ang isang napakagandang babae sa Candaba Swamp. Ang patag na latian ay parang malaking piraso ng esmeralda pagkatapos ng mahinang pag-ulan ng gabing iyon. Nagiging ginto naman ang mga hamog sa pagtama ng pasikat na araw. Pero wala pa ring mas gaganda sa babaeng nakasandal sa puno ng Mangga. Nakasuot ito ng camesa de chino at pantalong tinalian ng baging ang laylayan. Habang nakasabit naman sa balikat nito ang mahabang M1917 rifle.

      Malinaw pa sa alaala niya kung paano nito napapasunod ang mga tao nito na mahigit sa sampung lalaki. Kung paano siya iginagalang ng mga ito at kung paano sila nanginginig sa takot kapag sinisinghalan sila nito. Nahuhuli nito paminsan-minsan ang malagkit niyang tingin pero agad lang din itong umiiwas ng tingin. Naalala din niya kung paano natutunaw ang puso niya sa pagngiti nito kapag kausap ang ibang babae sa hukbo nila. Gustong-gusto niyang tanawin kapag nag-tatalian ng buhok ang mga kababaehan sa lilim ng mga malalaking puno ng Candaba Swamp. Iyon ang pinakamasayang tatlong linggo niya sa laya.

“Buti pa bilhan mo na lang ako ng meryenda.” tanging bigkas niya kay Bernard.

Napailing na lang ang binata at saka tumayo para bilhan ang matanda ng turon at isang baso ng buko juice.

“Nong, bakit po ba kayo nakulong? Mukha naman po kayong mabait.” tanong ni Bernard habang ngumunguya ng turon.

Napahagikhik si Osing.

“Hindi ka nakakasiguro. Baka hindi ka na lumapit sakin pag nalaman mo kung ilan na ang napatay ko, na binalatan ko ng buhay.” anang matanda sabay lapit ng lapit ng mukha sa binata.

   Napausod bigla si Bernard sa kaba.

Nahimasmasan lang siya sa takot nang biglang tumawa si Osing saka nagpatuloy sa pagkain ng turon.

     Napainom ng wala sa oras si Bernard at naubos niya ng hindi napapansin ang buko juice niyang sampung piso. Muli niyang tinitigan ang mukha ni Osing.

  Iniisip niya kung nagbibiro lang ba ito o seryoso ang sinasabi nito. Mukhang hindi pa nga talaga niya kilala ang bagong kaibigan niya. Totoo nga siguro ang sabi ng ama niya na isang BUCOR official na wag makipag-usap sa mga excon.

   Napatayo siya at walang paalam na tumalikod at naglakad palayo. Binilisan pa niya ang hakbang nang naramdaman niyang tumayo at sumunod sa kaniya si Osing.

    Habang naiwan namang tahimik si Osing na nakaupo sa waiting shed, napangiti ito sa pag-iisip na baka natakot niya ang bata.

    Kinabukasan ay nagtataka si Ma’am Melanie na hindi pa rin lumalabas ng kwarto ang anak niyang lalaki. Kinakatok niya ito pero walang sumasagot.

“Nardo, gising na, tulongan mo si Tatay Osing sa pagwawalis at pagligpit ng mga basura.” tawag ng ina sa labas ng pinto.

“Nardo.” muling tawag ni Melanie.

“Ma wag mo kasing tawaging Nardo.” singit ng anak niyang babae.

“Hay naku Shaina, ikaw na nga gumising sa kapatid mo.”

“Ako na ma.” Sabay lapit at sinimulang buksan ang pinto gamit ang susi ng kwarto. Nang bumukas ang pinto nakita ni Shai ang kapatid na nakahiga at balot ng kumot. Nilapitan niya ito para yugyugin.

“Bern, gising na.” anang ate niya habang marahan na tinatapik ang binti niya.

“Ayoko. Gusto ko pang matulog.”

“Broken ka ba?”

Advertisements

Inilabas ni Bernard ang ulo niya mula sa kumot.

“Hindi ah.”

“Pano ka nga pala magiging broken eh wala ka namang nagkakagusto sa’yo.” sabay tawa ng ate niya.

“Ate wala ka bang pasok, anong oras na.” reklamo niya.

“Wala!” madiing sagot ni Shai.

   Muling binalot ni Bernard ang sarili sa kumot.

“Kung ano man yan, hindi ako aalis sa kwartong to ng hindi mo sinasabi sa akin.”

TInabihan niya sa paghiga ang kapatid.

“Ate…” salita niya habang nasa ilalim ng kumot.

“Oh.”

“Hindi ka ba natatakot kay Manong Osing?”

“Hindi naman, mukha naman siyang mabait.”

“Pero hindi mo ba naisip kung bakit siya nakulong?”

“Naisip, kaya ko nga tinanong kay Papa.”

Napalabas ng kumot at napaupo bigla si Bernard.

“Anong sabi ni Papa?” tanong niya habang nakatingin sa mukha ng ate niya. Ngumiti lang si Shai.

“Secret.”

“Sige na…..sabihin mo na. Please.” pangungulit niya.

“Mahalaga pa ba yun?”

“Ah….oo naman.” napaisip niyang sagot.

“Malaya na siya ngayon, ibig sabihin pinagsisihan na niya lahat ng nagawa niyang krimen. Kung ano man yun, pinagbayaran na niya lahat sa loob.”

“Eh gusto ko pa ring malaman.”

“Bakit hindi mo na lang itanong sa kaniya.”

   Natahimik si Bernard. Tama ang ate niya, ibang Osing na ang nakakasama nila. Pero hindi pa rin niya maalis ang takot sa pag-iisip na maraming buhay na ang kinitil nito.

“Ito palagi mong tandaan,….”

“Hindi lahat ng nakakulong ay may kasalanan, hindi lahat ng nasa laya ay inosente.” putol at tuloy ni Bernard sa sasabihin ng ate niya. Sabay silang nagtawanan. Ito kasi ang madalas na naririning nila sa ama kapag pinapangaralan sila sa mga ginagawa nilang kalokohan.

Advertisements
Pages: 1 2 3

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s