ISHI

Kabanata 2

Tagumpay ang pakay ng grupo ng mga kawani ng Kagawaran Ng Kalikasan. Marami silang
babaonin na mga datos at mga bagong tuklas para sa inaasam nilang proteksiyon para sa
nasabing kagubatan na anila ay napapabayaan at na-aaboso ng mga lokal na residente roon.
Ngunit habang bumababa ng bundok, isang di inaasahang pangyayari ang ikinatakot ng
lahat. Pabalik na sila sa camping site nang may nagpaputok na isang CAFGU mula sa
kanilang likuran na ikinagulat ng lahat. Pasigaw silang nagtago sa mga malalaking puno.
Nagtakip ang halos lahat ng tainga at tahimik na nagsambit ng panalangin.
” Konsehal anong nangyayari? ” halos paiyak na sa takot na tanong ni Alyssa sa isang
Konsehal na nasa gilid niya.
” Sandali Ma’am at aalamin ko, dito lang kayo. Wag kayong umalis dito.” at pagapang na
tinungo ng Konsehal ang kinaroroonan ng mga CAFGU.
Tumigil na ang putokan kaya patakbong sinalubong ng Kagawad ang mga armadong mga
lalaki.
” Anong nangyari, bakit kayo nagpaputok? Natatakot na yong mga bisita natin.” nag-aalalang
usisa ng Konsehal.
” May nakita kasi kaming tao na kanina pa sumusunod sa atin kaya nang nakahanap kami ng
pagkakataon ay pinaputokan na namin.” paliwanag ng isa sa kanila.
” Anong itsura? ” tanong ng konsehal.
” Hindi namin masyadong namukhaan kasi nakahard hat siya at nakasuot ng coverall suit na
kulay dilaw.” salaysay ng isa pa.
” Coverall na kulay dilaw? ” napakunot noong tanong ng kagawad. Pilit niyang iniisip kung
paanong nagkaroon ng ganong tao dito sa bundok.
” Yon bang suot ng mga minero noong araw na may nagmimina pa dito sa bundok.”
paglalarawan pa ng isa sa mga CAFGU. Kinilabotan ang konsehal, muling bumalik sa isip
niya ang malagim na pangyayari noon.
” Tara na, minumulto tayo ng ating nakaraan. Paki-usap wag niyong sabihin sa mga bisita
natin ang tungkol sa inyong nakita, ako ng bahalang magpaliwanag sa kanila.” pakiusap ng
konsehal sa kanila. Tumango na lang kahit hindi lubos na nakaka-unawa ang mga CAFGU.

” Kagawad ano pong nangyari?” salubong na usisa ni Alyssa. Napatingin sa mga escort nila
ang kagawad at nag-isip ng pwede niyang ikatwiran.
” Ano kasi eh, may nakita silang baboy ramo, akala nila aatakihin tayo kaya binaril na nila.”
aniya.
Napawi ang takot ng mga kasamahan ni Alyssa. Pero hindi siya kumbinsido sa paliwanag ng
mga ito. Malakas ang kutob niyang may ibang nangyari na gusto nilang pagtakpan.
Sinundo ng mag-ama si Alyssa sa Munisipyo matapos nitong magtext na nakarating na sila
sa lunsod. Napansin kaagad ni Victor ang mga balisang mukha ng mga kasamahan ni Alyssa
habang nagkekwentohan ito pababa ng sinakyan nila.
” Bakit…anong nangyari..?” usisa ni Victor habang kinukuha ang bag ng asawa mula sa
likuran ng van para ilipat sa kanilang kotse. Nagulat siya nang bigla siyang yakapin ni Alyssa.
“Pwede bang saka ko na lang sayo ikekwento, baka matakot kasi si Cassey.” pag-aalala ni
Alyssa. Pinisil ni Victor ang balikat ng asawa at marahan itong hinimas.
“Tara na, kung ano man yan, mas nakakabuti nga sigurong tayo lang munang dalawa ang
nakakaalam.” pagsang-ayon ni Victor sabay halik sa noo ni Alyssa. Magkayakap pa rin silang
naglalakad papunta sa kotse nila kung saan naghihintay si Cassey. Yakap at halik ang
sinalubong ni Cassey sa Mommy niya na pilit itinatago ang nararamdamang kabalisahan at
trauma sa nangyari. Dali-daling pinahiran ng ina ang kaniyang mga nangingilid na mga luha
nang sa ganon ay di ito mapansin ng bata na excited sa baon niyang mga kwento.
“Mom, pwede ko bang makita mga pictures mo sa bundok?” malambing na pakiusap ng anak
habang nasa biyahe sila pauwi ng bahay nila.
“Sa house na lang nak ha, nalowbat kasi yong DSLR, charge muna natin pagdating sa bahay
ok.” nakangiting sagot ni Alyssa.
“Ay sayang, ipapakita ko pa naman sana kay daddy para mawala na yong phobia niya sa
bundok. ” nakangising biro ni Cassey.
“Sino namang nagsabi sayo na may phobia ako.” di nakatiis na sabat ni Victor habang
nagmamaneho.
“Yong reaction niyo yesterday, dad silence means yes.” pagpapatuloy ni Cassey.
“Anak, hayaan mo na yang daddy mo, kahit sakin nga ayaw niyang sabihin, sayo pa kaya.
May pagka mysterious kasi yan kaya hayaan mo na lang.” anang mommy niya para baka
sakali tumigil na ito sa pag-imbestiga sa ama.

“Ah basta, malalaman ko rin yan, sakin ang huling halakhak.” ayaw paawat na sagot ng bata
at nagpakawala ng devilish laugh na ikinatawa ng mga magulang niya.
Kinagabihan ng araw na iyon, alas otso na ng gabi at dapat sana’y natutulog na si
Konsehal Elmer Serino. Tahimik na ang buong baranggay at ang maririnig mo na lamang ay
kalat na taholan ng mga aso. Ayaw siyang patulogin ng natuklasan niya ng araw na iyon.

Advertisements

Ang mukha niyang unti-unti ng nakikitaan ng kapamahakan na dumadapo sa bawat taong
nabubuhay ay nakatingin sa kadiliman ng paligid mula sa kaniyang munting bintana. May
mga alaala na hindi niya pwedeng kalimotan na lang at ang mga ito ay bigla na lang
bumabalik kung kailan nais na niyang burahin ang mga ito.

Nabuo ang isang desisyon sa kaniyang isipan, babalik siya sa bundok upang matapos na ang kabagabagang
nararamdaman niya. Kaya inihanda na niya ang kaniyang sarili para kinabukasan ng maaga
pa ay sa bundok na siya sisikatan ng araw.
Sa isang malaking puno ng Mahogany, nagkubli si Konsehal Elmer habang inaabangan
mula sa kinaroroonan niya ang pagsulpot ng isang estranghero mula sa masukal na
kagubatan. Ang sinag ng araw ay tumagos na sa mga dahon ng puno at tumama sa kaniyang
pisngi. Hanggang sa may narinig siyang mga yabag mula sa di kalayuan sa kaniya at ang mga
dahon na inaapakan nito ay naglilikha ng ingay na nagpapasidhi ng kaniyang kaba.

Nanlaki ang kaniyang mga mata ng dumaan ang kaniyang ina-abangan sa mismong harap niya.
May suot itong coverall at nakapatong sa ulo ang isang lumang hard hat. Agad niyang
sinundan ito ng tingin habang naglalakad ito na nakatalikod sa kaniya. Dahan-dahan siyang
humakbang para sundan ang taong iyon. Maingat ang bawat kilos niya upang hindi siya
mapansin at maglikha ng ingay. Nakita niya itong bumaba ng ilog at nagtanggal ng hard hat
at naghilamos. Kumilos si Elmer at umikot para makita ang mukha nito sa malayo. Patakbo
siyang naglakad habang hindi inaalis ang tingin sa estrangherong iyon. Sa di inaasahan ay
natisod siya sa isang ugat ng puno at muntikan ng mahulog sa bangin. Pilit niyang itinayo
ang sarili at humawak ng mahigpit sa mga sanga ng puno at mga maliliit na mga halaman.
Nang makaakyat na ay agad niyang dinako ang tingin niya sa kinaroroonan ng lalaking
sinusundan niya. Wala na ito roon. Inikot niya ang kaniyang tingin sa paligid at nakita niya
ito na tumatakbo mula sa malayo. Paika-ika niyang hinabol ito dahil nasaktan ang kaniyang
binti. Sadyang mabilis ito at bigla na lang nawala.
Napahinto sa pagtakbo si Elmer at muling inikot ng tingin ang kaniyang paligid. Nang
walang ano-ano ay may isang malaking aso ang biglang akmang dadamba sa kaniya at

kitang-kita ng kaniyang dalawang mata ang nagngangalit na mukha nito habang papalapit ito

sa kaniya. Agad na tumakbo ng buong bilis si Konsehal palabas ng gubat na iyon na uma-
asang hindi siya aabotan ng isang hayop na sa tingin niya’y hindi siya bubuhayin kung mahuli siya nito. Para sa kaniya, ay isa itong halimaw na lalapa sa kaniya kapag hindi pa siya nakalabas kaagad sa teritoryo nito.
Sa wakas ay narating niya ang kapatagan at hingal na nilingon ang kagubatan. Nakahinga
siya ng maluwag ng makitang hindi na ito sumunod pa sa kaniya. Hindi niya lubos maisip na
may nakatirang ganoon kalaking halimaw sa gubat na dati ay kabisado niya. Isa lang ang
tanging nasa isip niya ngayon — hindi niya tatangkain pang bumalik pa sa kagubatan at
lalong hindi niya ipapahamak ang mga nasasakupan niya.

Advertisements
Advertisements


Inilipat ni Cassey ang lahat ng kuha ng mommy niya sa laptop at doon niya ito isa-isang
tiningnan. Tuwang-tuwang siya ng makita kung gaano kaganda ang tanawin mula sa itaas ng
bundok. Kalagitnaan na siya ng pagtingin sa mga larawan ng mapansin niya ang isang tila tao
sa background sa isang kuha ng mommy niya. Sinubukan niyang izoom ang picture para
makita kung ano ba talaga ito. Kinilabotan siya ng makita niya ang batang nakasilip sa
siwang ng maliit na kweba sa gitna ng bangin.
Kaagad niyang kinopya ang picture papunta sa cellphone niya para ma-aari niya itong
tingnan sa ibang pagkakataon. Hindi siya sigurado kung ito ba ay tao o isang nakakatakot na
multong napapanood niya sa mga pelikula. Napagdesisyonan niyang hindi na ito ipaalam sa
mommy niya para hindi ito mag-isip ng anupaman tungkol sa trabaho nito. Maging pagpasok
sa eskwelahan, ang kuhang iyon ang palagi pa ring naiisip ni Cassey. Dumaan ang maraming
taon, ngunit nanatili pa rin itong nakarehistro sa kaniyang isipan.

Pages: 1 2 3 4 5 6 7

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s