ISHI

Kabanata 5

Wala pang kalahating oras ay narating na ng grupo ni Cassey ang paanan ng gubat na
sinasabing pinuntahan ng mommy niya. Tiningnan niya uli ang mga kuha ng mommy niya sa
kaniyang cellphone at kinumpara ang mga ito sa aktwal na nakikita ng kaniyang mga mata.
Mas masukal ito ngayon kaysa sa dati. Nakapagtataka dahil ang harap nito ay kalbo na dahil
sa pagputol ng mga puno para gawing uling.
“Dito na lang po ako.” ang sabi ng batang si Panoy. Binunot ni Cassey mula sa kaniyang bag
ang halagang ipinangako niya sa bata. Abot tainga ang ngiti ni Panoy ng tanggapin nito ang
pera mula dalaga. Agad ito kumaripas ng takbo na para bang nahihiya sa ginawa niya.
Napatawa na lang sila sa naging reaksiyon ng bata.
Pumasok na ang grupo sa loob ng gubat habang alerto sa paligid. Nauna sa paglakad ang
dalawang dalaga habang ang mga lalaki naman ay sinusundan lang sila kung saan nila
ihahakbang ang kanilang mga paa. Paglipas ng ilang minutong lakad ay narinig nila ang mga
lagaslas ng tubig mula sa di-kalayuang ilog. Marahang tinahak ng grupo ang mabangin na
parte ng gubat na mula roon ay tanaw nila ang ilog na nasa baba. Hinanap nila ang daan
pababa ng ilog at balak nilang doon na nila ilalatag ang kanilang mga tent na dala. Sanay na
silang umakyat ng bundok kaya kahit mahirap ay marahan at maingat pa rin silang nakababa
sa mismong tuyo at mabatong gilid nito. Namangha silang lima sa napakagandang tanawin
na tumambad sa kanila. Ilang metro lang ang layo sa kanila ay tanaw ang isang talon na mga
apat na metro ang taas. Ilang sandali pa ay hindi na sila maawat sa pagkuha ng
magagandang mga larawan.
Sinimulan na nila ang pagtatayo ang kanilang mga tent sa madamong bahagi sa gilid ng
ilog.

Advertisements


“Pahinga muna tayo, hindi naman masyadong mainit ang paglalakad natin kasi mapuno.”
anas ni Bob matapos niyang maipako ang pundasyon ng kaniyang tent.
“Oo nga, kakainin ko na rin ang baon kong kanin.” nakangiting sabi naman ni Paul.
“Ang takaw mo talaga, tingnan mo sarili mo, tumataba ka na.” biro naman ni Cassey.
“Anong tumataba? Baka iuntog kita sa abs ko.” sagot naman ni Paul na tumayo pa para
makita ng lahat ang tiyan niyang hindi na lumulubo sa kaniyang damit.

“Huminga ka nga, baka mahimatay ka pa kami pa mahirapan sa pagbuhat sayo.” ani
Maureen na nakaupo sa bukasan ng kaniyang tent. Narinig ang tawa ng magkakaibigan.
Ngunit lingid sa kanilang kaalaman hindi lang sila ang tao sa gubat na iyon, at kanina pa ito
nagmamasid sa kanila.
Kinatok ng mag-asawa ang kwarto ng kanilang anak. Papasok na sila sa kanilang trabaho ng
umagang iyon at gusto nilang magpaalam sa anak.
“Cassey anak, alis na kami ng daddy mo.” ang sabi ni Alyssa.
“Anak gising na, malelate ka na sa trabaho mo.” tawag ni Victor. Walang Cassey ang sumagot.
“Hayaan mo na, baka napagod yan sa trabaho kagabi kaya tinanghali ng gising.” ang nasabi
na lamang ni Vic.
“Anak nag-iwan ako ng adobo sa ref ha, kumain ka muna bago ka umalis mamaya. Mauuna
na kami ng Daddy.” paalam na lang ng ina niya. Pumasok na sa trabaho ang mag-asawa na
walang kaide-ideya kung anong trahedya ang malapit ng sapitin ng nag-iisa nilang anak.
Saglit na nagpahinga ang mga kasama ni Cassey sa loob ng kani-kanilang mga tent, habang
ang iba ay patuloy pa rin sa walang sawang pagkuha ng larawan sa paligid. Kinuha ni Cassey
ang kaniyang cellphone at maliit niyang shoulder bag. Palihim siyang pumasok sa gubat at
hinahanap niya ang bangin na marmol na nakita niya sa kuha ng ina. Makapal na ang mga
dahon ng puno sa parteng iyon ng gubat kaya hindi na masyadong nakakatagos ang sinag ng
araw. Patuloy pa rin sa paglakad ang dalaga nang may narinig siyang kaluskos ng mga dahon
mula sa makakapal na mga halamang gubat na nasa paanan ng mga puno.

“Sino ang nandiyan? Maureen ikaw ba yan?” kinakabahan niyang bigkas sa nagtatapang-tapangan na tono.

Advertisements
Advertisements

Hindi pa rin tumigil ang kaluskos ng mga dahon, umiikot ito sa mga punong nasa paligid
niya, ngunit dahil sa dilim at kapal ng mga halaman ay hindi niya makita kung sino ang taong
iyon na kanina pa nagpapatayo ng kaniyang mga balahibo. Agad niyang binuksan ang
kaniyang cellphone para tawagan sana ang mga kaibigan pero walang signal sa gubat na iyon.
Patuloy siyang nag-iisip kung ano ang dapat niyang gawin habang sinusundan ng tingin ang
pinang-gagalingan ng kaluskos ng mga dahon. Hanggang sa naisipan niyang paganahin ang
video recorder ng kaniyang cellphone at itinutok ito sa pinagmumulan ng kaluskos.
“Guys nakita niyo si Cassey?” tanong ni Maureen sa tatlong binatang nakaupo sa mabatong
gilid ng ilog.
“Hindi eh…baka nagbawas lang ng timbang.” biro ni Paul.

Ilang segundo pa ay laking gulat ni Cassey nang may isang malaking hayop na lumundag
mula sa damohan at sinunggaban siya anupa’t tumalsik ang hawak niyang cellphone at buong
lakas siyang napasigaw. Umalingawngaw sa gubat ang sigaw ni Cassey sapat para marinig
iyon ng mga kaibigan niya.
“Si Cassey ba yon?” napatayong bigkas ni Bob.
“Mukhang si Cassey nga.” bulalas ni Alfred. Agad na nagtakbohan ang apat papasok sa
gubat.
Bumagsak ang dalaga sa lupa at nakapikit habang hinaharangan niya ng kaniyang braso
ang kaniyang mukha. Ramdam niya ang hininga ng hayop na iyon sa kaniyang mga braso.
Unti-unti niyang binuka ang kaniyang mga mata nang mapansing hindi kumikilos ang
malaking hayop na iyon sa kaniyang harap. Nakita niya ang isang malaking aso na inaamoy
siya mula ulo hanggang paa. Itinukod niya ang kaniyang kamay sa lupa para itayo ang sarili.
Sa hindi niya malamang dahilan pakawag-kawag pa ang buntot ng asong iyon na akala niya’y
siyang papatay sa kaniya. Umupo pa ang aso sa harap niya habang nakalabas ang dila.
Tuluyan ng tumayo si Cassey para lapitan ang aso na mukha namang mabait at hindi siya
sasaktan. Pero bago pa siya makalapit isang malakas na hampas sa kaniyang ulo ang siyang
nagpatumba sa dalaga. Tuluyan na siyang nawalan ng malay.
“Cassey!!” sigaw ng apat niyang kaibigan habang iniikot ng tingin ang buong paligid.
Hanggang sa may nasipang isang bagay si Maureen. Agad niya itong pinulot.
“Cellphone ni Cassey.” naiiyak na sabi ni Maureen.
Nagkatinginan ang tatlong binata. Hindi na nila alam ngayon kung ano ang gagawin. Kapag
hindi nila nakita ang kaibigan nila ay baka mapahamak ito. Hindi pa ito naglock screen kaya
binuksan ni Maureen ang gallery ng cellphone. Tuluyan na siyang napaiyak ng mapanood
niya ang video na nakuhanan ng cellphone. Lumapit ang tatlong binata at sabay nilang
pinanood ang video. Kitang-kita nila kung paano sinakmal ng isang malaking aso ang
kanilang kaibigan.
“Balikan muna natin ang mga gamit natin saka natin siya hanapin.” ang sabi ni Bob.
“Mas lalo tayong hindi makakasurvive sa gubat kapag wala tayong gamit.” dugtong pa niya.
Malungkot na binalikan ng apat ang kanilang mga tent taglay ang pag-asang hindi ganon
kalala ang sinapit ng kanilang kaibigan. Tahimik nilang pinagmamasdan ang isa’t-isa habang
tinatanggal nila ang kaniya-kaniyang mga tent. Habang si Maureen naman ay patuloy pa rin ang pagluha.

Advertisements

Lumapit sa kaniya si Alfred at inabot nito sa kaniya ang isang panyo. Kinuha
niya ito mula sa kamay ni Alfred at nagpasalamat dito.
“Kaya natin to, si Cassey pa.” ani Alfred sabay himas sa balikat ng kaibigan.
“Tulungan na kita,…alin pa ba tatanggalin” pakli niya para matapos na sa pagligpit ng tent
ang dalaga. Di nagtagal ay lumapit na rin ang dalawang binata para tumulong sa kanila.
Sabay nilang pinasok ang gubat na iyon para hanapin ang kanilang minamahal na kaibigan.
Ginalugad nila ang gubat para humanap ng mga naiwang bakas ng kanilang kaibigan. Inabot
sila ng tanghaling tapat sa paghahanap sa kaibigan pero ni anino nito ay hindi nila makita.
Nagkita sa isang restaurant ang mag-asawang Vasco para kumain ng tanghalian.
“Nagtext na ba sa’yo si Cassey?” usisa agad ni Alyssa pagkaupo niya sa napili nilang mesa.
“Hindi pa eh,…tawagan mo nga. Ako na oorder.” ani Vic at sinenyasan na ang waiter para sa
menu. Tinawagan ni Alyssa ang anak pero hindi man lang nagriring ang cellphone nito.
Sinubukan niyang tawagan ang isa pang number ng anak.
Napagpasyahan ng magkakaibigan na ipagbigay-alam na sa Barangay ang nangyari sa
kanilang kaibigan bago pa ito tuluyang mapahamak. Pababa na sila pabalik sa kanilang
sasakyan nang biglang magring ang cellphone ni Cassey. Nagkatinginan sila.
“Ano gagawin natin?” naiyak na namang bigkas ni Maureen.
“Kung meron mang dapat na unang makaaalam nito, sila Tito Vic yun.” pasya ni Bob.
“Sagotin mo na, ako na kakausap kay Tita.” pagkukusa ni Paul. Inabot sa kaniya ni Maureen
ang cellphone.
“Hello anak, bakit di kita makontak sa isa mong number?” bungad agad ni Alyssa.
“Hi Tita si Paul po ito.” marahang sagot ng binata.
“Oh Paul, bakit ikaw ang sumagot, nasaan si Cassey?” usisa ng ina.
“Tita, may…” di niya matuloy ang gusto niyang sabihin.
“Paul anong nangyari?” Kinakabahan na na tanong ni Alyssa.
“Si Cassey po,…”
“Anong nangyari sa anak ko?” naiiyak na bigkas nito.
“Si Cassey po nawawala.” sagot ni Paul sa naghalong kaba at takot na boses.

Pages: 1 2 3 4 5 6 7

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s